ang una at huling araw ng ale sa siyudad
karag karag ang isang
maleta
sumakay ng bus ang ale
baon ang dalawampung taon
ng pangangarap at paghihirap
sa ilalim ng araw
manaka-nakang titigil
ang bus
minsan, ilang oras ang pagitan
lilingon ang babae palabas
sa bintana,
di alintana ang mga butil ng
pawis na namumuo
sa gilid ng kanyang leeg
sa wakas ay di na magugutom sila nanay…
matatapos ang mahabang biyahe
patungo sa siyudad
may naghihintay na trabaho
para sa akin kanila aling delya sa tondo
tutulo ang pawis
tatagaktak sa blusa
di bale nang ‘di makauwi madalas at makita sila junjun at elena
hihinto ang bus
sa gitna ng kalsada
dahan-dahang iuunat
ang mga paang
napagod sa pagkakaupo
animo’y humalik ang kanyang
mga tsinelas
sa nanggigitatang
kalsada na nabalutan
ng dura at basura
ng sanlaksang mamamayan
ng lungsod
“ito na pala ang lungsod”, nasambit niya sa sarili
mapapalingon ang ale
habang
siya’y pababa,
ngingiti sa kunduktor
animo’y ito na ang pinakamasayang
araw sa mundo
ngunit mula sa kanan
ay binati siya ng isang rumaragasang
truck
at tinangay
kasama ng kanyang
karag-karag na maleta ng dalawampung taong inipong
pangarap at luha.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home