the ramblings of a wayward romantic...

These are my personal moments, ideas, thoughts and insanities placed for everyone to see. This blog is my own personal forever, frozen in this digital medium for all eternity, or 'til this site exists...

Saturday, June 09, 2007

...mrt cubao to mrt shaw...

marahil
ito na ang hudyat ng pagkalas
ng karimlan mula sa lupang kinatatamnan
hindi man pansin
ang bawat bituing lulan ng kadiliman
ay may pising nakabuhol sa pananaginip

isang libo't tatlong pagkakataong hinayaang lumipas
sa pagitan ng mga piping sandali
lilingon ka't ngingiti
nangangarap na sasaluhin ko ang pagbagsak ng puso mo
mula sa sinapupunan ng langit
ngunit hahayaan ko itong lumapagapak sa
malamig na sahig ng katahimikang ito

ni hindi titinag mula sa tanawing
bumihag sa aking paningin, sa labas ng bintana
kasabay ng pagkabasag ng puso mo
ang salaming nakapalibot sa atin
nagtatangkang higupin tayo palabas
ngunit mahigpit ang aking kapit
sabay pikit.

umusal ng isang panalangin
upang makalimot sa pagtatagpong ito
sabay dilat ng mata
napangiti

at wala ka na.